DEUTERONOMIO 13
13
1“Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan,
2at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ na hindi mo kilala, ‘at ating paglingkuran sila,’
3huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa.
4Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya.
5At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng Panginoon mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
6“Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno;
7sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;
8ay huwag kang padadala sa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya;
9kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan.
10Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa Panginoon mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.
11At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo.
12“Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang manirahan ka roon,
13na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi ninyo nakilala;
14ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay;
15ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak.
16At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa Panginoon mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo.
17Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang,
18kapag pinakinggan mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 13: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001