Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DEUTERONOMIO 16

16
Ang Paskuwa
(Exo. 12:1-20)
1“Magdiriwang#Exo. 12:1-20; Lev. 23:5-8; Bil. 28:16-25 ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos; sapagkat sa buwan ng Abib ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos sa Ehipto sa gabi.
2At iyong iaalay ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos, mula sa kawan at sa bakahan, sa lugar na pipiliin ng Panginoon na titirahan ng kanyang pangalan.
3Huwag kang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Pitong araw na kakainin mo sa paskuwa ang tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kahirapan; sapagkat umalis kang nagmamadali sa lupain ng Ehipto, upang iyong maalala ang araw nang umalis ka sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
4Walang makikitang pampaalsa sa iyo sa lahat ng iyong mga nasasakupan sa loob ng pitong araw. Alinman sa laman na iyong inihandog sa paglubog ng araw sa unang araw ay walang mananatili sa magdamag hanggang sa umaga.
5Huwag mong ihahandog ang paskuwa sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos,
6kundi sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan. Doon mo ihahandog ang paskuwa sa pagtatakipsilim, sa paglubog ng araw, sa panahon nang ikaw ay umalis sa Ehipto.
7Ito ay iyong lulutuin at kakainin sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Kinaumagahan ay babalik ka at uuwi sa iyong mga tolda.
8Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magiging isang taimtim na pagtitipon sa Panginoon mong Diyos; huwag kang gagawa ng anumang gawa sa araw na iyan.
Kapistahan ng Pag-aani
(Exo. 34:22; Lev. 23:15-21)
9“Pitong#Lev. 23:15-21; Bil. 28:26-31 sanlinggo ang iyong bibilangin; mula sa panahong pinasimulan mong ilagay ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo.
10At ipagdiwang mo ang Pista ng mga Sanlinggo sa Panginoon mong Diyos na may parangal na kusang-loob na handog, na iyong ibibigay ayon sa pagpapala sa iyo ng Panginoon mong Diyos;
11ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan, ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na kasama mo ay magagalak sa harapan ng Panginoon sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan.
12Iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Ehipto. Masikap mong gawin ang mga tuntuning ito.
Kapistahan ng mga Tolda
(Lev. 23:33-43)
13“Iyong#Lev. 23:33-36, 39-43; Bil. 29:12-38 ipagdiriwang nang pitong araw ang Pista ng mga Tolda,#16:13 o kubol. pagkatapos mong matipon ang aning mula sa iyong giikan at sa pisaan ng ubas.
14Ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, at ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita, ang dayuhan, ang ulila, at ang babaing balo na kasama ng iyong mga bayan ay magagalak sa iyong pagpipista.
15Pitong araw na ipagdiriwang mo ang pista sa Panginoon mong Diyos sa lugar na pipiliin ng Panginoon, sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong bunga, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak.
16“Tatlong ulit sa isang taon na ang iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, sa Pista ng mga Sanlinggo, at sa Pista ng mga Tolda. Huwag silang haharap sa Panginoon na walang dala.
17Bawat lalaki ay magbibigay ng kanyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
Ang Pagsasagawa ng Katarungan
18“Magtatalaga ka ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ayon sa iyong mga lipi, at sila'y maggagawad sa bayan ng matuwid na paghatol.
19Huwag#Exo. 23:6-8; Lev. 19:15 mong babaluktutin ang katarungan; huwag kang magtatangi ng mga tao, ni tatanggap ng suhol; sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at inililiko ang mga salita ng matuwid.
20Tanging ang katarungan at katarungan lamang ang iyong susundin, upang mabuhay ka at magmana ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
21“Huwag#Exo. 34:13 kang magtatanim ng anumang puno tulad ng sagradong poste#16:21 Sa Hebreo ay Ashera. sa tabi ng dambana na iyong gagawin para sa Panginoon mong Diyos.
22Ni#Lev. 26:1 huwag kang magtatayo ng haligi na kinapopootan ng Panginoon mong Diyos.

Kasalukuyang Napili:

DEUTERONOMIO 16: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in