DEUTERONOMIO 19
19
Ang mga Lunsod-Kanlungan
(Bil. 35:9-34; Jos. 20:1-9)
1“Kapag#Jos. 20:1-9 nilipol na ng Panginoon mong Diyos ang mga bansa, na ang lupain ay ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at hahalili ka sa kanila, at iyong titirahan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;
2ay magbubukod ka ng tatlong lunsod para sa iyo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin.
3Ihahanda mo ang mga daan at hatiin mo sa tatlo ang lawak ng iyong lupain na ipapamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang ang bawat nakamatay ng tao ay tumakas patungo roon.
4“At ito ang kalagayan ng nakamatay ng tao na tatakas doon at mabubuhay: sinumang makapatay sa kanyang kapwa nang di sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan;
5gaya ng isang tao na nagtungo sa gubat na kasama ang kanyang kapwa upang pumutol ng kahoy at itinaas ng kanyang kamay ang palakol upang putulin ang punungkahoy, dumulas ang patalim sa hawakan at tumama sa kanyang kapwa kaya't siya ay namatay, siya ay tatakas sa isa sa mga lunsod na iyon at siya'y mabubuhay.
6Kung hindi, ang tagapaghiganti ng dugo, samantalang nag-iinit sa galit, ay hahabulin ang nakamatay at aabutan siya, sapagkat ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha, gayong siya'y hindi dapat patayin yamang hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan.
7Kaya't iniuutos ko sa iyo, Magbubukod ka ng tatlong lunsod.
8At kung palawakin ng Panginoon mong Diyos ang iyong hangganan gaya ng kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga ninuno;
9kung iyong isasagawa ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Diyos at lumakad kailanman sa kanyang mga daan, ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong lunsod, bukod sa tatlong ito,
10upang hindi dumanak ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, kung gayon ang pagkakasala ng dugong dumanak ay mapapasaiyo.
11“Ngunit kung ang sinuman ay napopoot sa kanyang kapwa, at kanyang inabangan siya, kanyang sinalakay siya at kanyang saktan siya ng malubha, anupa't namatay, at siya'y tumakas sa isa sa mga lunsod na ito,
12ay magsusugo nga ang matatanda sa kanyang lunsod at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, upang siya'y mamatay.
13Huwag mo siyang titingnan na may pagkahabag kundi aalisin mo ang pagkakasala ng dugong walang sala mula sa Israel para sa ikabubuti mo.
Hangganan ng mga Ari-arian
14“Huwag#Deut. 27:17 mong aalisin ang muhon ng iyong kapwa na inilagay ng mga matatanda noong una. Sa mana na iyong mamanahin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay huwag mong aalisin.
Tungkol sa mga Saksi
15“Ang#Bil. 35:30; Deut. 17:6; Mt. 18:16; Jn. 8:17; 2 Cor. 13:1; 1 Tim. 5:19; Heb. 10:28 nag-iisang saksi ay hindi mangingibabaw laban sa isang tao sa anumang kasamaan o kasalanang kanyang nagawa; sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay pagtitibayin ang usapin.
16Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kanya tungkol sa isang masamang gawa,
17ang dalawang taong may alitan ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng mga hukom na nanunungkulan sa mga araw na iyon;
18at sisiyasating mabuti ng mga hukom, kapag ang saksi ay saksing sinungaling at sumaksi sa kasinungalingan laban sa kanyang kapatid,
19gagawin mo sa kanya ang gaya ng kanyang inisip gawin sa kanyang kapatid; sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo;
20at maririnig ng iba at matatakot, at hindi na sila gagawa pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.
21Huwag#Exo. 21:23-25; Lev. 24:19, 20; Mt. 5:38 kang magpapakita ng pagkahabag; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 19: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001