DEUTERONOMIO 20
20
Tungkol sa Pakikidigma
1“Kapag ikaw ay hahayo upang makidigma laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, mga karwahe, at ng isang hukbong mas malaki kaysa iyo, huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto.
2Paglapit ninyo sa labanan, ang pari ay lalapit at magsasalita sa mga kawal,
3at sasabihin sa kanila, ‘Pakinggan mo, O Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikidigma sa inyong mga kaaway; huwag manlupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila;
4sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang humahayong kasama ninyo upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y pagtagumpayin.’
5Ang mga pinuno ay magsasalita sa mga kawal, ‘Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya naitatalaga? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban at ibang tao ang magtalaga.
6At sinong lalaki ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyon? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa digmaan at ibang lalaki ang makinabang ng bunga niyon.
7At sinong lalaki ang naitakdang ikasal sa isang babae at di pa niya nakukuha? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban, at ibang lalaki ang kumuha sa kanya.’
8Muling magsasalita ang mga pinuno sa mga kawal at kanilang sasabihin, ‘Sinong lalaki ang matatakutin at mahina ang loob? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka ang puso ng kanyang mga kapatid ay manlupaypay na gaya ng kanyang puso.’
9Kapag ang mga pinuno ay tapos nang makapagsalita sa mga kawal, sila'y pipili ng mga pinuno ng mga hukbo upang mamuno sa kanila.
10“Kapag ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.
11Kung sagutin ka ng kapayapaan at pagbuksan ka, ang buong bayang matatagpuan sa loob ay gagawa ng sapilitang paglilingkod at maglilingkod sa iyo.
12Ngunit kung ayaw nitong sumuko nang mapayapa sa iyo kundi makikipaglaban sa iyo, kukubkubin mo nga ito;
13at kapag ibinigay ng Panginoon mong Diyos sa iyong kamay, papatayin mo ang bawat lalaki niyon ng talim ng tabak.
14Ngunit ang mga babae, mga bata, mga hayop, ang lahat na nasa mga kawal, ang lahat ng nasamsam doon ay kukunin mo bilang samsam; at kakainin mo ang nasamsam mula sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
15Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang napakalayo sa iyo, na hindi sa mga lunsod ng mga bansang naririto.
16Ngunit sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anumang bagay na humihinga.
17Kundi iyong lilipulin sila: ang Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos,
18upang huwag nila kayong turuang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal na mga gawa na kanilang ginawa sa kanilang mga diyos upang kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos.
19“Kapag iyong kinubkob nang mahabang panahon ang isang bayan sa digmaan upang ito ay makubkob, huwag mong sisirain ang mga punungkahoy niyon sa pamamagitan ng pagpalakol, sapagkat makakakain ka sa mga iyon at huwag mong puputulin. Ang mga punungkahoy ba sa parang ay mga tao na sasakupin mo?
20Tanging ang mga punungkahoy na nalalaman mong hindi nagbubunga ng pagkain ang iyong sisirain at puputulin; at magtatayo ka ng mga kuta laban sa bayang lumalaban sa iyo hanggang sa maibuwal mo.
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 20: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001