DEUTERONOMIO 28
28
Mga Pagpapala sa Pagsunod
(Lev. 26:3-13; Deut. 7:12-24)
1“Kung#Deut. 11:13-17 susundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos at maingat mong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, itataas ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa;
2at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
3Magiging mapalad ka sa lunsod, at magiging mapalad ka sa parang.
4Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, ang bunga ng iyong lupa, ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
5Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.
6Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.
7“Tatalunin ng Panginoon sa harapan mo ang iyong mga kaaway na babangon laban sa iyo; sila'y lalabas laban sa iyo sa isang landas at tatakas sa harapan mo sa pitong landas.
8Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig at sa lahat ng iyong gagawin at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
9Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan.
10Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo.
11Ikaw ay pasasaganain ng Panginoon sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno upang ibigay sa iyo.
12Bubuksan ng Panginoon para sa iyo ang kanyang kamalig na punung-puno, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang lahat mong ginagawa. Ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.
13Gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot; ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim—kung iyong papakinggan ang mga utos ng Panginoon mong Diyos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong susundin at gagawin.
14Huwag kang lilihis sa alinmang salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga diyos at paglingkuran sila.
Mga Ibubunga ng Pagsuway
(Lev. 26:14-46)
15“Ngunit kung hindi mo papakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lahat ng kanyang mga utos at tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.
16Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.
17Susumpain ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.
18Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.
19Susumpain ka sa iyong pagpasok at susumpain ka sa iyong paglabas.
20“Ipararating ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang pagkalito at pagkabigo sa lahat ng iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal at mapuksa dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, sapagkat pinabayaan mo ako.
21Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa na iyong pupuntahan upang angkinin.
22Sasalutin ka ng Panginoon ng pagkaubos, lagnat, pamamaga, nag-aapoy na init, pagkatuyo,#28:22 o tabak. ng salot ng hangin, at ng amag; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.
23Ang mga langit na nasa itaas ng iyong ulo ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.
24Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa ito sa iyo hanggang sa ikaw ay mawasak.
25“Ipatatalo ka ng Panginoon sa harapan ng iyong mga kaaway. Ikaw ay lalabas sa isang landas laban sa kanila at tatakas sa pitong landas sa harapan nila, at ikaw ay magiging katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa lupa.
26Ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa at walang taong bubugaw sa kanila.
27Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Ehipto, ng mga ulser, ng pangangati, at ng galis na hindi mapapagaling.
28Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkabaliw, ng pagkabulag, at ng pagkalito ng isipan;
29at ikaw ay mangangapa sa katanghaliang-tapat na gaya ng bulag na nag-aapuhap sa kadiliman at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad. Ikaw ay laging aapihin at pagnanakawan, at walang taong tutulong sa iyo.
30Ikaw ay mag-aasawa at ibang lalaki ang sisiping sa kanya; ikaw ay magtatayo ng isang bahay at hindi mo tatahanan. Ikaw ay magtatanim ng ubasan at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyon.
31Ang iyong baka ay papatayin sa iyong paningin, at hindi mo makakain iyon; ang iyong asno ay aagawin sa harapan ng iyong mukha at hindi na maibabalik sa iyo. Ang iyong tupa ay ibibigay sa iyong mga kaaway at walang tutulong sa iyo.
32Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay ibibigay sa ibang bayan; at ang iyong paningin ay titingin at mapapagod nang paghihintay sa kanila sa buong araw; at ikaw ay walang magagawa.
33Ang bunga ng iyong lupa at lahat ng iyong gawa ay kakainin ng bansang di mo kilala; at ikaw ay laging aapihin at gigipitin;
34kaya't ikaw ay masisiraan ng isip dahil sa tanawin na makikita ng iyong mga mata.
35Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita ng isang masamang bukol na hindi mo mapapagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo.
36“Dadalhin ka ng Panginoon at ang haring ilalagay mo upang manguna sa iyo sa isang bansang hindi mo nakilala, maging ng iyong mga ninuno at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato.
37Ikaw ay magiging katatakutan, isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.
38Magdadala ka ng maraming binhi sa bukid, ngunit kakaunti ang iyong titipunin; sapagkat uubusin ng balang.
39Ikaw ay magtatanim ng ubasan at iyong aalagaan, ngunit hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas; sapagkat kakainin iyon ng uod.
40Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga nasasakupan ngunit hindi ka magpapahid ng langis; sapagkat ang iyong olibo ay malalagas.
41Ikaw ay magkakaanak ng mga lalaki at mga babae, ngunit sila'y hindi magiging iyo; sapagkat sila'y pupunta sa pagkabihag.
42Lahat ng iyong punungkahoy at bunga ng iyong lupa ay aangkinin ng balang.
43Ang dayuhan na nakatira sa gitna mo ay tataas nang higit sa iyo habang ikaw ay bababa nang pababa.
44Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi magpapahiram sa kanya. Siya'y magiging ulo at ikaw ay magiging buntot.
45Lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka at aabutan ka, hanggang ikaw ay mawasak, sapagkat hindi mo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at hindi mo tinupad ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.
46Ang mga iyon ay magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailanman.
47“Sapagkat hindi ka naglingkod na may kagalakan at may kasayahan ng puso sa Panginoon mong Diyos, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay.
48Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, sa gutom, uhaw, kahubaran, at kakulangan sa lahat ng mga bagay. Lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.
49Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng paglipad ng agila; isang bansang ang wika'y hindi mo nauunawaan;
50bansang may mabangis na mukha na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni mahahabag sa bata.
51Kanyang kakainin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa ikaw ay mawasak. Wala ring ititira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay mapuksa niya.
52Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong bayan, hanggang sa ang mataas at may pader na kuta na iyong pinagtitiwalaan ay bumagsak sa iyong buong lupain. Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga bayan sa buong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
53At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalaki at babae na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, sa pagkakubkob at sa paghihirap na ipaparanas sa iyo ng iyong mga kaaway.
54Maging ang lalaking pinakamabait at mahabagin sa inyo ay magkakait ng pagkain sa kanyang kapatid, sa kanyang asawa na kanyang niyayakap at sa huli sa nalalabi sa kanyang mga anak;
55kaya't hindi niya ibibigay sa alinman sa kanila ang laman ng kanyang mga anak na kanyang kakainin, sapagkat walang natira sa kanya sa pagkubkob at sa paghihirap na ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga bayan.
56Ang pinakamahinhin at pinakamaselang babae sa gitna mo, na hindi pa mangangahas na ituntong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagiging maselan ay magiging masama ang kanyang mata sa kanyang asawa at sa kanyang anak na lalaki at babae;
57at#2 Ha. 6:28, 29; Panag. 4:10 sa kanyang isinilang na lumabas sa pagitan ng kanyang mga hita at sa kanyang mga anak na kanyang panganganak; sapagkat lihim niyang kakainin sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kahirapang ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga bayan.
58“Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang ‘Panginoon mong Diyos,’
59kung magkagayo'y ipapadala ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga anak ang di-pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal.
60Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.
61Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay mapuksa.
62Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos.
63Kung paanong ang Panginoon ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin.
64Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno.
65Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng Panginoon ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa.
66Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay.
67Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y gumabi na!’ at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y mag-umaga na!’—dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin.
68Pababalikin ka ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, na sa daan ay aking sinabi sa iyo, ‘Hindi mo na muling gagawin;’ at doo'y ipagbibili ninyo ang inyong mga sarili sa mga kaaway bilang aliping lalaki at babae, at hindi kayo bibilhin ng sinuman.”
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 28: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001