Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ESTHER 2

2
1Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapawi ang galit ni Haring Ahasuerus, kanyang naalala si Vasti at ang kanyang ginawa, at kung ano ang iniutos laban sa kanya.
2Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, “Magpahanap kayo ng magagandang kabataang birhen para sa hari.
3Magtalaga ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang kanilang tipunin ang lahat ng magagandang kabataang birhen sa kabisera ng Susa sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na eunuko ng hari, na tagapag-ingat ng mga babae. At ibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan sa pagpapaganda.
4Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti.” Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya.
5Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita;
6na#2 Ha. 24:10-16; 2 Cro. 36:10 dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias#2:6 o Jehoiakin, 2 Hari 24:6. na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
7Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak.
8Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae.
9Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae.
10Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam.
11Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya.
12Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae.
13Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari.
14Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan.
15Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya.
Si Esther ay Napiling Maging Reyna
16Nang si Esther ay dalhin kay Haring Ahasuerus sa kanyang palasyo nang ikasampung buwan na siyang buwan ng Tebet, nang ikapitong taon ng kanyang paghahari,
17minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya'y nakatagpo ng biyaya at paglingap nang higit kaysa lahat ng mga birhen. Kaya't kanyang inilagay ang korona ng kaharian sa kanyang ulo at ginawa siyang reyna na kapalit ni Vasti.
18Nang magkagayo'y gumawa ng malaking kapistahan ang hari para sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga lingkod, iyon ay handaan ni Esther. Nagkaloob din ang hari ng pagbabawas ng buwis sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob ayon sa kasaganaan ng hari.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19Nang matipon sa ikalawang pagkakataon ang mga birhen, nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari.
20Hindi pa ipinapakilala ni Esther ang kanyang pinagmulan o ang kanyang bayan man, gaya ng ibinilin sa kanya ni Mordecai. Sinusunod ni Esther si Mordecai na gaya ng kanyang pagpapalaki sa kanya.
21Sa mga araw na iyon, samantalang nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari, sina Bigtan at Teres na dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan ay nagalit at hinangad na pagbuhatan ng kamay si Haring Ahasuerus.
22Ang bagay na ito ay nalaman ni Mordecai at sinabi niya ito kay Reyna Esther, at sinabi ni Esther sa hari sa pangalan ni Mordecai.
23Nang ang pangyayari ay siyasatin at matuklasang totoo, ang dalawang lalaki ay kapwa binigti sa punungkahoy. At ito'y isinulat sa Aklat ng mga Kasaysayan sa harapan ng hari.

Kasalukuyang Napili:

ESTHER 2: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in