ESTHER 3
3
1Pagkatapos ng mga bagay na ito ay itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Amedata na Agageo, at itinaas siya at binigyan ng katungkulang#3:1 Sa Hebreo ay upuan. mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya.
2At lahat ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari ay yumukod at nagbigay-galang kay Haman sapagkat iniutos na gayon ng hari tungkol sa kanya. Ngunit si Mordecai ay hindi yumukod o gumalang man sa kanya.
3Nang magkagayo'y sinabi kay Mordecai ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari, “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?”
4Nang sila'y makipag-usap sa kanya araw-araw at sila'y ayaw niyang pakinggan, kanilang sinabi kay Haman upang makita kung mangingibabaw ang mga salita ni Mordecai, sapagkat sinabi niya sa kanila na siya'y Judio.
5Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kanya, napuno ng poot si Haman.
6Ngunit inisip niyang walang kabuluhan na mag-isang patayin si Mordecai. Kaya't yamang ipinaalam nila sa kanya ang pinagmulan ni Mordecai, inisip ni Haman na lipulin ang lahat ng mga Judio, samakatuwid ay ang kababayan ni Mordecai sa buong nasasakupan ng kaharian ni Ahasuerus.
7Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar.
8At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy.
9Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari.”
10Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio.
11At sinabi ng hari kay Haman, “Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti.”
Inisip ni Haman na Lipulin ang mga Judio
12Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari.
13Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian.
14Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon.
15Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo.
Kasalukuyang Napili:
ESTHER 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001