EXODO 14
14
Hinabol Sila ni Faraon
1Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
2“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.
3Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.’
4Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon.” At gayon ang kanilang ginawa.
5Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”
6Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.
7Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.
8Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.#14:8 Sa Hebreo ay taas-kamay.
9Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.
10Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.
11Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?
12Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”
13Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.
14Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”
15Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.
16Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
17Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.
18Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”
19Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.
20Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.
21Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.
22Ang#1 Cor. 10:1, 2; Heb. 11:29 mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.
23Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.
24Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.
25Kanyang nilagyan ng bara ang gulong#14:25 Sa ibang kasulatan ay inalisan ng gulong. ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, “Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipcio.”
Ang Hukbo ng mga Ehipcio ay Nalunod
26Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.”
27Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng Panginoon ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.
28Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.
29Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.
30Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.
31Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 14: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001