EXODO 15
15
Ang Awit ni Moises at ni Miriam
1Nang#Apoc. 15:3 magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon, na sinasabi,
“Ako'y aawit sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.
2Ang#Awit 118:14; Isa. 12:2 Panginoon ang aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan;
Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya,
siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama.
3Ang Panginoon ay isang mandirigma.
Panginoon ang pangalan niya.
4“Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya,
at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula.
5Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila;
sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
6Ang iyong kanang kamay, O Panginoon ay maluwalhati sa kapangyarihan,
ang iyong kanang kamay, O Panginoon ang dumudurog sa kaaway.
7Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo;
Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami.
8Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon,
ang mga agos ay tumayong parang isang bunton;
Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
9Sinabi ng kaaway, ‘Aking hahabulin, aking aabutan,
Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan,
aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.’
10Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan,
Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan.
11“Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos?
Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan,
nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12Iniunat mo ang iyong kanang kamay,
nilamon sila ng lupa.
13“Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan,
sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.
14Narinig ng mga bansa, at nanginig sila,
mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia.
15Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal;
sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal,
at naupos ang lahat ng taga-Canaan.
16Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot,
dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos;
hanggang sa makaraan, O Panginoon, ang iyong bayan,
hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan.
17Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian,
sa dako, O Panginoon, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan,
sa santuwaryo, O Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18Ang Panginoon ay maghahari magpakailanpaman.”
19Sapagkat nang ang mga kabayo ng Faraon ay nagtungo pati ang kanyang mga karwahe at pati ng kanyang mga nangangabayo sa dagat, at pinanunumbalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila; subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20Si Miriam na babaing propeta, na kapatid ni Aaron ay humawak ng isang pandereta sa kanyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kanya, na may mga pandereta at nagsayawan.
21Sila'y inawitan ni Miriam:
“Umawit kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
nang inihagis niya sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.”
22Patuloy na pinangunahan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Pula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; sila'y lumakad ng tatlong araw sa ilang at hindi nakatagpo ng tubig.
Ang Israel sa Mara
23Nang sila'y dumating sa Mara, hindi nila mainom ang tubig sa Mara, sapagkat ito ay mapait. Kaya't tinawag itong Mara.#15:23 Sa Hebreo ay Kapaitan.
24Nagreklamo ang bayan kay Moises, na sinasabi, “Anong aming iinumin?”
25Siya'y dumaing sa Panginoon at itinuro sa kanya ng Panginoon ang isang punungkahoy; inihagis niya ito sa tubig, at ang tubig ay tumamis.
Doon, gumawa ang Panginoon #15:25 Sa Hebreo ay siya. para sa kanila ng isang batas at tuntunin. Doon ay sinubok niya sila,
26na sinasabi, “Kung iyong diringgin ng buong tiyaga ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong gagawin ang matuwid sa kanyang mga mata, at iyong susundin ang kanyang mga utos, at iyong tutuparin ang lahat ng kanyang mga batas, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipcio; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.”
27Sila'y dumating sa Elim, kung saan mayroong labindalawang bukal ng tubig, at pitumpung puno ng palma; at sila'y humimpil doon sa tabi ng tubig.
Kasalukuyang Napili:
EXODO 15: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001