EZEKIEL 17
17
Ang Talinghaga ng Agila at ng Baging
1Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, magbugtong ka, at magsalita ka ng talinghaga sa sambahayan ni Israel;
3at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Isang malaking agila na may malalaki at mahahabang pakpak na punô ng mga balahibo, na may sari-saring kulay ang dumating sa Lebanon, at kinuha ang dulo ng sedro.
4Kanyang binali ang pinakamataas na sariwang mga sanga niyon, at dinala sa isang lupaing kalakalan; inilagay niya sa isang lunsod ng mga mangangalakal.
5Pagkatapos ay kinuha niya ang binhi ng lupain, at itinanim sa isang matabang lupa; itinanim niya sa tabi ng maraming tubig; kanyang itinanim na parang puno ng kahoy na sauce.
6Ito ay tumubo at naging mayabong na puno ng baging na mababa, na ang mga sanga ay patungo sa dako niya, at ang mga ugat niyo'y nanatili sa kinaroroonan niya; at ito'y naging isang puno ng baging, at nagsanga, at nagkadahon.
7Ngunit may iba pang malaking agila na may malaking pakpak at maraming balahibo, at ipinihit ng puno ng baging na ito ang mga ugat nito sa kanya, at isinupling ang kanyang mga sanga sa dako niya upang kanyang diligin ito. Mula sa pitak na kanyang kinatataniman
8inilipat niya ito sa isang mabuting lupa sa tabi ng maraming tubig, upang makapagsanga, at makapagbunga, upang maging mabuting puno ng baging.
9Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Lalago ba iyon? Hindi ba niya bubunutin ang mga ugat niyon, at puputulin ang mga sanga niyon, upang ang lahat ng sariwang umuusbong na mga dahon niyon ay matuyo? Hindi kailangan ang malakas na bisig o maraming tao na ito'y mabubunot sa mga ugat.
10Narito, nang ito'y ilipat ng taniman, lalago ba ito? Hindi ba ganap na matutuyo kapag nahipan siya ng hanging silangan—at matutuyo sa mga pitak na tinubuan niya?”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
12“Sabihin#2 Ha. 24:15-20; 2 Cro. 36:10-13 mo ngayon sa mapaghimagsik na sambahayan: Hindi ba ninyo nalalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito? Sabihin mo sa kanila: Narito, ang hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem, at kinuha ang kanyang hari at mga pinuno at kanyang dinala sila sa Babilonia.
13Siya'y kumuha ng isang anak ng hari at nakipagtipan siya sa kanya, at kanyang isinailalim siya sa panunumpa. (Dinala niya ang mga pinuno ng lupain,
14upang ang kaharian ay mapangumbaba at hindi makapagmataas, at sa pag-iingat ng kanyang tipan ay makatayo ito.)
15Ngunit siya'y naghimagsik laban sa kanya sa pagpapadala ng kanyang mga sugo sa Ehipto, upang mabigyan nila siya ng mga kabayo at malaking hukbo. Magtatagumpay ba siya? Makakatakas ba ang taong gumagawa ng gayong mga bagay? Masisira ba niya ang tipan at makakatakas pa?
16Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tunay na sa dakong tinatahanan ng hari kung saan siya ginawang hari, na ang sumpa ay hinamak niya at sinira niya ang pakikipagtipan sa kanya, siya nga'y mamamatay sa Babilonia.
17Hindi siya tutulungan sa pakikidigma ni Faraon at ng kanyang makapangyarihang hukbo, kapag itinindig ang mga bunton at itinayo ang mga pader na panlusob, upang pumatay ng maraming tao.
18Sapagkat kanyang hinamak ang sumpa at sinira ang tipan, narito, sapagkat ibinigay niya ang kanyang kamay, at gayunma'y ginawa ang lahat ng bagay na ito, siya'y hindi makakatakas.
19Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang buháy ako, walang pagsalang ang aking panunumpa na kanyang hinamak, at ang aking tipan na kanyang sinira ay aking sisingilin sa kanyang ulo.
20Aking ikakalat ang aking bitag sa kanya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; dadalhin ko siya sa Babilonia at siya'y aking hahatulan doon dahil sa kataksilan na kanyang ginawa laban sa akin.
21At ang lahat ng mga piling lalaki#17:21 o takas. mula sa kanyang pangkat ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang nalabi ay mangangalat sa bawat dako; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita.”
22Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok.
23Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon, upang ito'y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon.
24At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong Panginoon ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy, tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong Panginoon ang nagsalita at gagawa niyon.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 17: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001