Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 18

18
Kamatayan sa Nagkasala
1Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2“Anong#Jer. 31:29 ibig ninyong sabihin sa pag-uulit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, ‘Kinain ng mga magulang ang maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo?’
3Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi na ninyo gagamitin pa ang kawikaang ito sa Israel.
4Lahat ng buhay ay akin; ang buhay ng ama at ng anak ay akin; ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
5“Kung ang isang tao ay matuwid, at gumagawa ng ayon sa batas at matuwid,
6at siya'y hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, o dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o lumapit man sa isang babae sa panahon ng kanyang karumihan,
7hindi nang-aapi sa kanino man, kundi isinasauli sa nangutang ang kanyang sangla, hindi nagnanakaw, ibinibigay ang kanyang tinapay sa gutom, at tinatakpan ng kasuotan ang hubad;
8hindi nagpapahiram na may patubo, o kumukuha man ng anumang pakinabang, na iniurong ang kanyang kamay sa kasamaan, naglalapat ng tunay na katarungan sa pagitan ng dalawang magkalaban,
9na#Lev. 18:5 lumalakad ng ayon sa aking mga tuntunin, at maingat sa pagsunod sa aking mga batas; siya'y matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos.
10“Kung siya'y magkaanak ng isang lalaking magnanakaw, nagpapadanak ng dugo, at gumagawa ng alinman sa mga ganitong bagay,
11at hindi gumagawa ng alinman sa mga katungkulang iyon, kundi kumakain sa mga bundok, at dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
12inaapi ang dukha at nangangailangan, nagnanakaw, hindi nagsasauli ng sangla, at itinataas ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan, gumagawa ng kasuklamsuklam,
13nagpapahiram na may patubo, at tumatanggap ng pakinabang; mabubuhay ba siya? Siya'y hindi mabubuhay. Kanyang ginawa ang lahat ng kasuklamsuklam na ito. Siya'y tiyak na mamamatay; ang kanyang dugo ay sasakanya.
14“Ngunit kung ang taong ito'y magkaanak ng isang lalaki na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;
15na hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, hindi dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
16o ginagawan ng masama ang sinuman, hindi tumatanggap ng anumang sangla, at hindi nagnanakaw, kundi nagbibigay ng kanyang tinapay sa gutom, at binabalutan ng damit ang hubad;
17na iniuurong ang kanyang kamay sa kasamaan, hindi tumatanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginagawa ang aking mga batas, at lumalakad sa aking mga tuntunin; hindi siya mamamatay ng dahil sa kasamaan ng kanyang ama, siya'y tiyak na mabubuhay.
18Tungkol sa kanyang ama, sapagkat siya'y gumawa ng pangingikil, ninakawan ang kanyang kapatid, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kanyang bayan, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan.
19“Gayunma'y sinasabi ninyo, ‘Bakit hindi magdurusa ang anak dahil sa kasamaan ng ama?’ Kapag ginawa ng anak ang ayon sa batas at matuwid, at naging maingat sa pagtupad sa lahat ng aking tuntunin, siya'y tiyak na mabubuhay.
20Ang#Deut. 24:16 taong nagkasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magdurusa dahil sa kasamaan ng ama, ni ang ama ay magdurusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasakanya, at ang kasamaan ng masama ay sasakanya.
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21“Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
22Alinman sa kanyang mga paglabag na nagawa niya ay di na aalalahanin pa laban sa kanya; sapagkat sa matuwid na gawa na kanyang ginawa ay mabubuhay siya.
23Mayroon ba akong anumang kasiyahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Diyos; at hindi ba mabuti na siya'y humiwalay sa kanyang lakad at mabuhay?
24Ngunit kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, at gumagawa ng gayunding kasuklamsuklam na bagay na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa; dahil sa kataksilan na kanyang ipinagkasala, at sa kasalanan na kanyang ginawa, siya ay mamamatay.
25“Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ Pakinggan mo ngayon, O sambahayan ni Israel: Ang akin bang daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
26Kapag ang taong matuwid ay lumayo sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, siya ay mamamatay dahil doon. Dahil sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
27Muli, kapag ang taong masama ay humihiwalay sa kanyang kasamaan na kanyang nagawa at ginawa kung ano ang tumpak at matuwid, kanyang ililigtas ang kanyang buhay.
28Sapagkat kanyang isinaalang-alang at lumayo sa lahat niyang pagsuway na kanyang nagawa, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
29Gayunma'y sinasabi ng sambahayan ni Israel, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ O sambahayan ni Israel, ang akin bang mga daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
30“Kaya't hahatulan ko kayo, O sambahayan ni Israel, bawat isa'y ayon sa kanyang mga lakad, sabi ng Panginoong Diyos. Kayo'y magsisi, at lumayo kayo sa lahat ninyong pagsuway; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.
31Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
32Sapagkat wala akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong Diyos. Kaya't magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay.”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 18: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in