Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 47

47
Ang Batis mula sa Templo
1Ibinalik#Zac. 14:8; Jn. 7:38; Apoc. 22:1 niya ako sa pintuan ng bahay, at narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay sa dakong silangan (sapagkat ang bahay ay nakaharap sa silangan); at ang tubig ay umaagos mula sa ilalim ng dakong kanan ng bahay, mula sa timog ng dambana.
2Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuan sa hilaga at inilibot niya ako sa palibot ng pintuan sa labas sa daan ng pintuan na nakaharap sa silangan; at narito, lumalabas ang tubig sa dakong timog.
3Nang ang lalaki ay lumabas sa dakong silangan na may pising panukat sa kanyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig. Ang lalim ay hanggang bukung-bukong.
4Muling sumukat siya ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ang lalim nito ay hanggang tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ito ay hanggang sa mga balakang.
5Muli siyang sumukat ng isang libo, at ito ay isang ilog na hindi ko madaanan sapagkat ang tubig ay tumaas na. Sapat ang lalim nito upang languyan, ilog na hindi madadaanan.
6At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakita mo na ba ito?” Nang magkagayo'y dinala niya akong pabalik sa pampang ng ilog.
7Sa aking pagbalik, narito sa pampang ng ilog ang napakaraming punungkahoy sa magkabilang panig.
8At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay umaagos sa dakong silangang lupain, at bababa sa Araba. At sila'y aagos patungo sa dagat, na ginawang paagusin sa dagat, ang tubig ng dagat ay magiging sariwa.
9At mangyayari na bawat nilalang na may buhay na dumarami ay mabubuhay saanmang dako umagos ang tubig. At magkakaroon ng napakaraming isda; sapagkat ang tubig na ito ay darating doon, ang tubig ng dagat ay magiging tabang; kaya't lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog.
10Ang mga mangingisda ay tatayo sa tabi nito. Mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dakong bilaran ng mga lambat. Ang mga isda ng mga iyon ay magiging napakaraming uri, gaya ng isda ng Malaking Dagat, na napakarami.
11Ngunit ang kanyang mga dakong maburak at mga lumbak ay hindi magiging tabang; ang mga ito ay maiiwan upang maging asinan.
12At#Apoc. 22:2 sa mga pampang ng ilog sa isang dako at sa kabila, ay tutubo roon ang lahat ng uri ng punungkahoy bilang pagkain. Ang kanilang mga dahon ay hindi matutuyo, ni mawawalan man ng kanilang bunga, kundi magbubunga ng sariwa buwan-buwan, sapagkat ang tubig para sa kanila ay umaagos mula sa santuwaryo. Ang kanilang bunga ay magiging pagkain at ang kanilang dahon ay pampagaling.”
Ang mga Hangganan
13Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ito ang magiging hangganan na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labindalawang lipi ng Israel. Ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.
14At inyong hahatiin ito bilang mana, ang bawat isa ay katulad ng iba; sapagkat aking ipinangakong ibibigay ito sa inyong mga ninuno, at ang lupaing ito ay ibibigay sa inyo bilang inyong pamana.
15“Ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilaga, mula sa Malaking Dagat, sa daang Hetlon, hanggang sa pasukan ng Zedad,
16Hamat, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at hangganan ng Hamat hanggang sa Haser-hatticon, na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.
17Kaya't ang hangganan ay mula sa dagat hanggang sa Hazar-enon, na nasa hilagang hangganan ng Damasco, na ang hangganan ay ang Hamat sa hilaga. Ito ang dakong hilaga.
18“Sa dakong silangan, ang hangganan ay mula sa Hazar-enon sa pagitan ng Hauran at ng Damasco, katapat ng Jordan sa pagitan ng Gilead at lupain ng Israel; sa silangang dagat hanggang sa Tamar. Ito ang dakong silangan.
19“Sa dakong timog ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades, sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat. Ito ang timugang dako.
20“Sa dakong kanluran, ang Malaking Dagat ang magiging hangganan sa isang lugar sa tapat ng pasukan sa Hamat. Ito ang dakong kanluran.
21“Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.
22Inyong hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan bilang mana sa inyo at sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo at magkakaanak sa gitna ninyo. Sila'y magiging sa inyo'y gaya ng katutubong ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.
23Saanmang lipi manirahan ang dayuhan, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Diyos.

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 47: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in