Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 48

48
Ang Paghahati ng Lupain
1“Ang mga ito ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilaga, sa tabi ng daan ng Hetlon hanggang sa pasukan sa Hamat, hanggang sa Hazar-enon, (na nasa hilagang hangganan ng Damasco sa ibabaw ng Hamat) at patuloy hanggang sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ang Dan, isang bahagi.
2Sa tabi ng nasasakupan ng Dan, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Aser, isang bahagi.
3Sa tabi ng nasasakupan ng Aser, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Neftali, isang bahagi.
4Sa tabi ng nasasakupan ng Neftali, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Manases, isang bahagi.
5Sa tabi ng nasasakupan ng Manases, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Efraim, isang bahagi.
6Sa tabi ng nasasakupan ng Efraim, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Ruben, isang bahagi.
7Sa tabi ng nasasakupan ng Ruben, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Juda, isang bahagi.
Ang Bahagi ng mga Pari
8“Sa tabi ng nasasakupan ng Juda, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ay ang bahagi na inyong ibubukod, dalawampu't limang libong siko ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi ng lipi, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran; at ang santuwaryo ay malalagay sa gitna niyon.
9Ang bahagi na inyong ibubukod sa Panginoon ay magiging dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang.
10Ang mga ito ang para sa banal na bahagi: ang mga pari ang magkakaroon ng bahagi na ang sukat ay dalawampu't limang libong siko sa hilagang bahagi. Sa dakong kanluran ay sampung libo ang luwang, sa dakong silangan ay sampung libo ang luwang, sa dakong timog ay dalawampu't limang libo ang haba, at ang santuwaryo ng Panginoon ay malalagay sa gitna niyon.
11Ito'y para sa mga itinalagang pari na mga anak ni Zadok, na gumaganap ng aking bilin at hindi nagpakaligaw nang maligaw ang mga anak ni Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita.
12Ito'y magiging kanila bilang tanging bahagi mula sa banal na bahagi ng lupain, kabanal-banalang lugar, sa tabi ng nasasakupan ng mga Levita.
Ang Bahagi ng mga Levita
13Sa tabi ng nasasakupan ng mga pari, ang mga Levita ay magkakaroon ng dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang buong haba ay magiging dalawampu't limang libo, at ang luwang ay sampung libo.
14Hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit ang alinman doon. Hindi nila isasalin o ipagkakaloob sa iba man ang mga piling bahaging ito ng lupain, sapagkat ito'y banal sa Panginoon.
Ang Bahagi para sa Lahat
15“Ang naiwan, limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libo ang haba, ay para sa karaniwang gamit para sa lunsod, upang tirahan at para sa bukas na lupain. Ang lunsod ay malalagay sa gitna niyon.
16Ang mga ito ang magiging mga sukat niyon: sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko, sa dakong timog ay apat na libo at limang daan, sa dakong silangan ay apat na libo at limang daang siko, at sa dakong kanluran ay apat na libo at limang daan.
17Ang lunsod ay magkakaroon ng bukas na lupain: sa dakong hilaga ay dalawandaan at limampung siko, sa dakong timog ay dalawandaan at limampu, sa dakong silangan ay dalawandaan at limampu, at sa dakong kanluran ay dalawandaan at limampu.
18Ang nalabi sa kahabaan sa tabi ng banal na bahagi ay magiging sampung libong siko sa dakong silangan at sampung libo sa dakong kanluran; at ito'y magiging katabi ng banal na bahagi. Ang bunga niyon ay magiging pagkain para sa mga manggagawa ng lunsod.
19At ang mga manggagawa ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel ang magbubungkal noon.
20Ang buong bahagi na inyong ibubukod ay magiging dalawampu't limang libong sikong parisukat, ito ay ang banal na bahagi pati ang pag-aari ng lunsod.
Ang Bahagi ng mga Pinuno
21“Ang nalabi sa magkabilang panig ng banal na bahagi at sa pag-aari ng lunsod ay magiging sa pinuno. Mula sa dalawampu't limang libong siko ng banal na bahagi hanggang sa silangang hangganan, at pakanluran mula sa dalawampu't limang libong siko sa kanlurang hangganan, katapat ng bahagi ng mga angkan, ay magiging para sa mga pinuno. Ang banal na bahagi at ang santuwaryo ng templo ay malalagay sa gitna niyon.
22Ang pag-aari ng mga Levita at ng lunsod ay malalagay sa gitna ng pag-aari ng pinuno. Ang bahagi ng pinuno ay malalagay sa pagitan ng nasasakupan ng Juda at ng Benjamin.
Ang Bahagi ng Limang Lipi
23“At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Benjamin, isang bahagi.
24Sa tabi ng nasasakupan ng Benjamin, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Simeon, isang bahagi.
25Sa tabi ng nasasakupan ng Simeon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Isacar, isang bahagi.
26Sa tabi ng nasasakupan ng Isacar, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Zebulon, isang bahagi.
27Sa tabi ng nasasakupan ng Zebulon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Gad, isang bahagi.
28Sa tabi ng nasasakupan ng Gad sa dakong timog, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat.
29Ito ang lupain na inyong paghahatian sa pamamagitan ng palabunutan sa mga lipi ng Israel bilang mana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang mga Pintuan ng Jerusalem
30“Ang#Apoc. 21:12, 13 mga ito ang mga labasan sa lunsod: Sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko sa sukat,
31tatlong mga pintuan: ang pintuan ng Ruben, ang pintuan ng Juda, at ang pintuan ng Levi, ang mga pintuan ng lunsod ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel.
32Sa dakong silangan na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Jose, ang pintuan ng Benjamin, at ang pintuan ng Dan.
33Sa dakong timog na apat na libo at limang daang siko sa sukat ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Simeon, ang pintuan ng Isacar, at ang pintuan ng Zebulon.
34Sa dakong kanluran na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Gad, ang pintuan ng Aser, at ang pintuan ng Neftali.
35Ang sukat sa palibot ng lunsod ay labingwalong libong siko. At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 48: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in