Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac. Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac. Kaya't sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.” Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak. Sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi. Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.” Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno. At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata, siya'y nagsisigaw at umiiyak. Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan. Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.” Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata. Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana. Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
Basahin GENESIS 21
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 21:8-21
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas