Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 21:8-21

Genesis 21:8-21 RTPV05

Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham. Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. Nang makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.” Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata. Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Genesis 21:8-21