Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 37

37
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
1Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.
2Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.
3Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot.#37:3 o damit na may sari-saring kulay.
4Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya.
5Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya.
6Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip.
7Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis.”
8Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?” At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita.
9Nagkaroon pa siya ng ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, “Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin.”
10Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?”
11At#Gw. 7:9 ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon.
Si Jose ay Ipinagbili at Dinala sa Ehipto
12Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem.
13Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Sinabi niya sa kanya, “Narito ako.”
14Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako.” Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem.
15Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, “Anong hinahanap mo?”
16At sinabi niya, “Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.”
17Sinabi ng tao, “Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, ‘Tayo na sa Dotan.’” Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan.
18Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin.
19At sinabi nila sa isa't isa, “Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip.
20Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, ‘Nilapa siya ng isang masamang hayop;’ at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, “Huwag nating patayin.”#37:21 Sa Hebreo ay kunin ang buhay.
22Sinabi ni Ruben sa kanila, “Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;” upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama.
23Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot.#37:23 o damit na may sari-saring kulay.
24Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig.
25Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto.
26At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. “Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo?
27Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman.” At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid.
28Dumaan#Gw. 7:9 ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto.
29Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot.
30Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, “Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?”
31Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit#37:31 o damit na may sari-saring kulay. ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit#37:31 o damit na may sari-saring kulay. sa dugo.
32Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, “Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi.”
33Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, “Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa.”
34Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak.
35Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, “Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol.” At tinangisan siya ng kanyang ama.
36Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay.

Kasalukuyang Napili:

GENESIS 37: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in