GENESIS 38
38
Sina Juda at Tamar
1Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.
2Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.
3Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.
4At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.
5Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.
6Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.
7Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.
8Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi#38:8 Sa Hebreo ay binhi. ang iyong kapatid.”
9Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.
10Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.
11Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.
12Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.
13Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”
14siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.
15Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.
16Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”
17Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”
18Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
19Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.
20Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.
21Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”
22Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”
23Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”
Mga Anak ni Juda kay Tamar
24Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”
25Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”
26Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.
27Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.
28Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”
29Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.#38:29 Ang kahulugan ay Isang butas.
30Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera#38:30 Ang kahulugan ay Kakinangan. ang kanyang pangalan.
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 38: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001