Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ISAIAS 49

49
Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa
1Kayo'y#Jer. 1:5 makinig sa akin, O mga pulo;
at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo.
Tinawagan ako ng Panginoon mula sa sinapupunan,
mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan.
2Ang#Heb. 4:12; Apoc. 1:16 aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,
sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;
ginawa niya akong makinang na palaso,
sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.
3At sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking lingkod;
Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.”
4Ngunit aking sinabi, “Ako'y gumawang walang kabuluhan,
ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan;
gayunma'y ang aking katarungan ay nasa Panginoon,
at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos.”
5At ngayo'y sinabi ng Panginoon,
na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod,
upang ibalik uli ang Jacob sa kanya,
at ang Israel ay matipon sa kanya;
sapagkat sa mga mata ng Panginoon ako'y pinarangalan,
at ang aking Diyos ay aking kalakasan—
6oo, kanyang#Isa. 42:6; Lu. 2:32; Gw. 26:23; Gw. 13:47 sinasabi:
“Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod
upang ibangon ang mga lipi ni Jacob,
at panumbalikin ang iningatan ng Israel;
ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa
upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa.”
7Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal,
sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa,
ang lingkod ng mga pinuno:
“Ang mga hari at ang mga pinuno,
ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba;
dahil sa Panginoon na tapat,
sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.”
8Ganito#2 Cor. 6:2 ang sabi ng Panginoon:
“Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita,
at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita;
aking iningatan ka, at ibinigay kita
bilang isang tipan sa bayan,
upang itatag ang lupain,
upang ipamahagi ang mga sirang mana;
9na sinasabi sa mga bilanggo, ‘Kayo'y magsilabas;’
sa mga nasa kadiliman, ‘Magpakita kayo.’
Sila'y magsisikain sa mga daan,
at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10Sila'y#Apoc. 7:16, 17 hindi magugutom, o mauuhaw man;
at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw.
Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay,
at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig.
11At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo,
at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran,
at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.”
13Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa;
kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan!
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan.
14Ngunit sinabi ng Zion, “Pinabayaan ako ng Panginoon,
kinalimutan ako ng aking Panginoon.”
15“Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin,
na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan?
Oo, ang mga ito'y makakalimot,
ngunit hindi kita kalilimutan.
16Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko,
ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.
17Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali,
at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo.
18Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo;
silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo.
Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoon,
silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak,
gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat.
19“Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako
at ang iyong lupaing nawasak—
tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot
para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo.
20Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan
ay magsasabi pa sa iyong pandinig:
‘Ang lugar ay napakakipot para sa akin.
Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.’
21Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso:
‘Sinong nagsilang ng mga ito sa akin?
Ako'y namanglaw at walang anak,
itinapon at palabuy-laboy,
ngunit sinong nagpalaki sa mga ito?
Narito, ako'y naiwang mag-isa;
saan nagmula ang mga ito?’”
22Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa,
at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan;
at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan,
at ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan.
23At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga,
at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga.
Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa,
at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa.
At iyong makikilala na ako ang Panginoon;
ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya.
24Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan,
o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?”
25Ngunit, ganito ang sabi ng Panginoon:
“Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
at ang biktima ng malupit ay maliligtas,
sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo,
at aking ililigtas ang mga anak mo.
26At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman,
at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak.
At makikilala ng lahat ng laman
na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas,
at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob.”

Kasalukuyang Napili:

ISAIAS 49: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in