JEREMIAS 18
18
Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok
1Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2“Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita.”
3Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa.
4At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok.
5Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,
6“O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng Panginoon. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel.
7Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin,
8at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.
9At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim,
10kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon.
11Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.’
12“Ngunit kanilang sinabi, ‘Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.’
13“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon:
Ipagtanong mo sa mga bansa,
sinong nakarinig ng katulad nito?
Ang birhen ng Israel
ay gumawa ng kakilakilabot na bagay.
14Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon
ang mga bato ng Sirion?
Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok,
ang umaagos na malamig na tubig?
15Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan,
sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di-tunay na diyos;
at sila'y natisod sa kanilang mga lakad,
sa mga sinaunang landas,
at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi,
hindi sa lansangang-bayan,
16na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan,
isang bagay na hahamakin magpakailanman.
Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan
at iniiling ang kanyang ulo.
17Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan
sa harapan ng kaaway.
Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha,
sa araw ng kanilang kapahamakan.”
18Nang magkagayo'y sinabi nila, “Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita.”
Si Jeremias ay Nanalangin Laban sa mga Kaaway
19Bigyang-pansin mo ako, O Panginoon,
at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway!
20Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan?
Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay.
Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo,
upang magsalita ng mabuti para sa kanila,
upang ilayo ang iyong poot sa kanila.
21Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom,
ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak;
ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo.
Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot
at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan.
22Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay,
kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila!
Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako,
at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa.
23Gayunman, ikaw, O Panginoon, ay nakakaalam
sa lahat nilang balak na ako'y patayin.
Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan,
ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin.
Bumagsak sana sila sa harapan mo.
Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit.
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 18: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001