JEREMIAS 19
19
Ang Basag na Banga
1Ganito ang sabi ng Panginoon, “Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari.
2Lumabas#2 Ha. 23:10; Jer. 7:30-32; 32:34, 35 kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit,#19:2 o Basag na Banga. at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo.
3At sabihin mo, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting.
4Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.
5Nagtayo#Lev. 18:21 rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip.
6Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan.
7At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa.
8Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan.
9At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.’
10“Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo,
11at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan.
12Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet.
13At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet—lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.’”
14Nang dumating si Jeremias mula sa Tofet na pinagsuguan sa kanya ng Panginoon upang doon ay magsalita ng propesiya, tumayo siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon, at sinabi sa buong bayan:
15“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel. Dinadalhan ko ang lunsod na ito at ang lahat nitong mga bayan ng lahat ng kasamaan na aking sinalita laban dito, sapagkat pinapagmatigas nila ang kanilang ulo at ayaw nilang makinig sa aking mga salita.”
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 19: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001