Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 20

20
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
1Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong-tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito.
2Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng Panginoon.
3Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi ka tinatawag ng Panginoon sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib.#20:3 o Kilabot sa bawat panig.
4Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia.
6At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan.”
7O Panginoon, dinaya#20:7 o hinikayat. mo ako,
at ako'y nadaya;#20:7 o nahikayat.
mas malakas ka kaysa akin,
at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
tinutuya ako ng bawat isa.
8Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
9At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
at hindi ko makaya.
10Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
kung magkagayo'y madadaig natin siya,
at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
ay hindi malilimutan.
12O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.
13Magsiawit kayo sa Panginoon,
purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14Sumpain#Job 3:1-19 ang araw
na ako'y ipinanganak!
Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina,
huwag nawa itong basbasan!
15Sumpain ang tao
na nagdala ng balita sa aking ama,
“Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo,”
na kanyang ikinagalak.
16Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod
na walang awang giniba ng Panginoon,
at makarinig nawa siya ng daing sa umaga,
at babala sa katanghaliang-tapat;
17sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan;
at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina,
at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman.
18Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan
upang makakita ng hirap at kalungkutan,
at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan?

Kasalukuyang Napili:

JEREMIAS 20: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in