“Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.”
Ang ilan sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa isa't isa, “Ano itong sinasabi niya sa atin, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita’ at, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama?’”
Sinabi nila, “Ano ang ibig niyang sabihin na, ‘Sandali na lamang?’ Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.”
Nalaman ni Jesus na ibig nilang magtanong sa kanya, kaya't sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol dito sa aking sinabi, ‘Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita?’
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y iiyak at tatangis, subalit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo'y malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan.
Kapag ang babae ay nanganganak, siya ay nahihirapan sapagkat dumating na ang kanyang oras. Ngunit pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanlibutan.
Kayo sa ngayon ay may kalungkutan, ngunit muli ko kayong makikita. Magagalak ang inyong puso, at walang makakapag-alis sa inyo ng inyong kagalakan.
Sa araw na iyon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anuman. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y hihingi ng anuman sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya ito sa inyo.
Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Kayo'y humingi at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa paraang patalinghaga. Darating ang oras, na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi maliwanag na sa inyo'y sasabihin ko ang tungkol sa Ama.
Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi sa inyo na ako'y hihingi sa Ama para sa inyo.
Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo, sapagkat ako'y inyong minahal, at kayo'y nanampalataya na ako'y buhat sa Diyos.
Ako'y nagbuhat sa Ama at dumating ako sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan, at ako'y pupunta sa Ama.”
Sinasabi ng kanyang mga alagad, “Oo nga, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at hindi patalinghaga.
Ngayon ay nalalaman namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito'y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos.”
Sinagot sila ni Jesus, “Ngayon ba ay sumasampalataya na kayo?
Narito, ang oras ay dumarating, at dumating na nga, na kayo'y magkakawatak-watak, ang bawat isa sa kanyang sarili, at ako'y iiwan ninyong mag-isa. Subalit hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.
Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”