“Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”
Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”
Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan.
“Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.
“Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”
“Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. Mahal kayo ng Ama; minamahal niya kayo sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos. Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa daigdig; ngayo'y aalis na ako sa daigdig at babalik na sa Ama.”
Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinhaga! Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.”
Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwanan ninyo ako. Gayunman, hindi ako tunay na nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”