Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 17:1-26

JUAN 17:1-26 ABTAG01

Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo. Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin. At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan. Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila. At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Habang ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili. Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan. Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan. At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan. Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo. At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal. Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan. O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”