Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa palasyo ng gobernador. Noon ay maaga pa at sila'y hindi pumasok sa punong-himpilan, upang hindi marumihan, at upang sila'y makakain ng kordero ng paskuwa. Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?” Sila'y sumagot at sinabi sa kanya, “Kung ang taong ito'y hindi gumawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Hindi kami pinahihintulutan na ipapatay ang sinumang tao.” Ito ay upang matupad ang salitang sinabi ni Jesus, nang kanyang ipahiwatig kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay. Si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at tinawag si Jesus, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” Si Pilato ay sumagot, “Ako ba'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo sa akin. Ano bang ginawa mo?” Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito.” Sinabi sa kanya ni Pilato, “Kung gayon, ikaw ay hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito ay pumarito ako sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” Sinabi sa kanya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?” At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio at sa kanila'y sinabi, “Wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya.
Basahin JUAN 18
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: JUAN 18:28-38
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas