Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 18:28-38

JUAN 18:28-38 ABTAG

Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao'y maaga pa; at sila'y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, upang sila'y mangyaring makakain ng kordero ng paskua. Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito? Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito'y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo. Sa kanila nga'y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio'y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao: Upang matupad ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay. Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin? Si Pilato ay sumagot, Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo? Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito. Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig. Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan? At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila'y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.