JOSUE 10
10
Ang mga Amoreo ay Natalo
1Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;
2sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.
3Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,
4“Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”
5Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.
6At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”
7Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.
8Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”
9Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.
10Nilito sila ng Panginoon sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.
11Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng Panginoon sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
12Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,
“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
13At#2 Sam. 1:18 ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.
Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
14At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.
15At bumalik si Josue kasama ang buong Israel sa kampo sa Gilgal.
Nagapi ni Josue ang Limang Hari
16Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda.
17At ibinalita kay Josue, “Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda.”
18Sinabi ni Josue, “Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila.
19Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.”
20Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod,
21ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita.
22Kaya't sinabi ni Josue, “Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib.”
23Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon.
24Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, “Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito.” At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.
25At sinabi ni Josue sa kanila, “Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”
26Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan.
27Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito.
28Sinakop ni Josue ang Makeda nang araw na iyon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyon. Kanyang lubos na nilipol ang lahat ng tao na naroon; wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari ng Makeda ang gaya ng kanyang ginawa sa hari ng Jerico.
29Si Josue ay dumaan mula sa Makeda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at nilabanan ang Libna.
30Ibinigay rin ng Panginoon, pati ang hari niyon sa kamay ng Israel; at kanyang pinatay ng talim ng tabak ang bawat taong naroon. Wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari niyon ang gaya ng kanyang ginawa sa hari sa Jerico.
31At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lakish, at nagkampo laban doon, at lumaban doon.
32Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa kamay ng Israel at kanyang sinakop sa ikalawang araw. Lahat ng mga taong naroroon ay kanyang pinatay ng talim ng tabak, gaya ng kanyang ginawa sa Libna.
33Pagkatapos ay umahon si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lakish. Siya at ang kanyang bayan ay pinatay ni Josue, hanggang sa siya'y walang iniwang may buhay.
34Dumaan si Josue mula sa Lakish, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y nagkampo at nakipaglaban doon.
35Kanilang sinakop iyon nang araw na iyon at pinatay ng talim ng tabak, at ang lahat na taong naroon, gaya ng kanyang ginawa sa Lakish.
36At umahon si Josue at ang buong Israel mula sa Eglon hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon.
37At kanilang sinakop at pinatay ng talim ng tabak ang hari niyon, ang lahat ng mga lunsod niyon, at ang lahat ng taong naroon. Wala siyang itinira gaya ng kanyang ginawa sa Eglon; kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon.
38At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir at nakipaglaban doon.
39At kanyang sinakop ito at ang hari niyon, at ang lahat ng mga bayan niyon; at kanilang pinatay ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon; wala siyang iniwang nalabi; kung paano ang kanyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kanyang ginawa sa Debir, at sa hari nito; gaya nang kanyang ginawa sa Libna at sa hari nito.
40Ganito ginapi ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Negeb,#10:40 o Timog. at ang mababang lupain, at ang mga libis, at ang lahat ng mga hari niyon. Wala siyang itinira, kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng Panginoong Diyos ng Israel.
41At ginapi sila ni Josue mula sa Kadesh-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Goshen, hanggang sa Gibeon.
42At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue sa isang panahon sapagkat ang Israel ay ipinaglaban ng Panginoong Diyos ng Israel.
43At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo sa Gilgal.
Kasalukuyang Napili:
JOSUE 10: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001