Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOSUE 9

9
Nilinlang ng mga Gibeonita si Josue
1Nang mabalitaan ito ng lahat ng haring nasa kabila ng Jordan sa lupaing maburol at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng Malaking Dagat sa tapat ng Lebanon: ang mga Heteo, mga Amoreo, mga Cananeo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo—
2sila ay nagkaisang magtipon upang labanan si Josue at ang Israel.
3Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai,
4sila ay kumilos na may katusuhan. Sila ay umalis at naghanda ng mga baon, at nagpasan ng mga lumang sako sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, punit at tinahi-tahi,
5at mga tagpi-tagping sandalyas sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat ng tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag.
6Sila'y pumunta kay Josue sa kampo sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Kami ay mula sa malayong lupain, ngayon nga'y makipagtipan kayo sa amin.”
7Ngunit sinabi#Exo. 23:32; 34:12; Deut. 7:2 ng mga Israelita sa mga Heveo, “Marahil kayo'y naninirahang kasama namin; paano kami makikipagtipan sa inyo?”
8At kanilang sinabi kay Josue, “Kami ay iyong mga lingkod.” Sinabi naman ni Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo galing?”
9Sinabi nila sa kanya, “Mula sa napakalayong lupain ay dumating ang iyong mga lingkod dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos, sapagkat aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Ehipto,
10at#Bil. 21:21-35 lahat ng kanyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon na hari ng Hesbon, at kay Og na hari ng Basan, na nasa Astarot.
11Ang aming matatanda at ang lahat ng mamamayan sa aming lupain ay nagsalita sa amin, ‘Magbaon kayo sa inyong kamay para sa paglalakbay, at humayo kayo upang salubungin sila, at inyong sabihin sa kanila, “Kami ay inyong mga lingkod, at ngayo'y makipagtipan kayo sa amin.”’
12Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit pa bilang baon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo. Ngunit ngayon, ito ay tuyo at inaamag;
13at itong mga sisidlang balat ng alak ay bago nang aming punuin ang mga ito, Ngunit ngayon ay mga punit na, at itong aming mga bihisan at aming mga sandalyas ay naluma dahil sa napakalayong paglalakbay.
14Kinuha ng mga tao sa Israel ang kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa Panginoon.
15Si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, at hinayaan silang mabuhay; at ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila.
16Sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila'y makapagtipan sa kanila, kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y naninirahang kasama nila.
17Kaya't ang anak ni Israel ay naglakbay at dumating sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gibeon, Cefira, Beerot, at Kiryat-jearim.
18Hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagkat ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. At ang buong kapulungan ay nagbulung-bulungan laban sa mga pinuno.
19Ngunit sinabi ng lahat ng mga pinuno sa buong kapulungan, “Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't hindi natin sila magagalaw.
20Ito ang ating gagawin sa kanila: hahayaan natin silang mabuhay upang ang poot ay huwag mapasaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila.”
21Sinabi ng mga pinuno sa kanila, “Hayaan silang mabuhay.” Kaya't sila'y naging tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa buong kapulungan gaya nang sinabi ng mga pinuno sa kanila.
22Ipinatawag sila ni Josue at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo kami dinaya sa pagsasabing, ‘Kami ay napakalayo sa inyo;’ samantalang sa katotohanan ay naninirahan kayong kasama namin?
23Ngayon nga'y sumpain kayo, at ang ilan sa inyo ay laging magiging mga alipin, mga tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa bahay ng aking Diyos.”
24At sila'y sumagot kay Josue, “Sapagkat tunay na naisalaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng Panginoon ninyong Diyos kay Moises na kanyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong pupuksain ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan ninyo; kaya't natakot kaming mainam para sa aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito.
25Kami ay nasa iyong kamay; kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin ay gawin mo.”
26Gayon ang ginawa niya sa kanila at kanyang iniligtas sila sa kamay ng mga anak ni Israel, at sila'y hindi nila pinatay.
27Ngunit nang araw na iyon ay ginawa sila ni Josue na mga tagaputol ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at sa dambana ng Panginoon sa dakong kanyang pipiliin hanggang sa araw na ito.

Kasalukuyang Napili:

JOSUE 9: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in