Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA PANAGHOY 4

4
Ang Parusa sa Zion
1Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto!
Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan.
2Ang mahahalagang anak ng Zion,
na kasimbigat ng dalisay na ginto,
ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa,
na gawa ng mga kamay ng magpapalayok!
3Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib
at nagpapasuso sa kanilang mga anak,
ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit,
parang mga avestruz sa ilang.
4Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit
sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw.
Ang mga bata ay humihingi ng tinapay,
ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila.
5Silang nagpapakasawa sa pagkain
ay namamatay sa mga lansangan.
Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.
6Sapagkat#Gen. 19:24 ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat
kaysa parusa sa Sodoma,
na nagapi sa isang sandali,
at walang mga kamay na humawak sa kanya.
7Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe,
higit na maputi kaysa gatas;
ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral,
ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro.
8Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling;
sila'y hindi makilala sa mga lansangan.
Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto;
ito'y naging gaya ng tuyong kahoy.
9Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak
kaysa sa mga pinatay sa gutom,
sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit
dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain.
10Niluto#Deut. 28:57; Ezra 5:10 ng mga kamay ng mga mahabaging babae
ang kanilang sariling mga anak;
sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.
11Nilubos ng Panginoon ang kanyang poot,
ibinuhos niya ang kanyang matinding galit.
At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion,
na tumupok sa mga pundasyon nito.
12Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala,
o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan,
na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok
sa mga pintuan ng Jerusalem.
13Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta,
at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari,
na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid.
14Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan,
na lubhang nadungisan ng dugo
kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan.
15“Lumayo kayo, Marurumi!” ang sigaw ng mga tao sa kanila;
“Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!”
Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala;
sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa,
“Hindi na sila mamamalaging kasama natin.”
16Pinangalat sila ng Panginoon, sila ay hindi na niya pahahalagahan
Hindi nila iginalang ang mga pari
hindi nila nilingap ang matatanda.
17Nanlabo na ang aming mga mata
sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating,
sa aming pagbabantay ay naghihintay kami
sa isang bansang hindi makapagliligtas.
18Inaabangan nila ang aming mga hakbang,
upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan,
malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw;
sapagkat dumating na ang aming wakas.
19Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis
kaysa mga buwitre sa himpapawid:
hinabol nila kami sa mga bundok,
inabangan nila kami sa ilang.
20Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng Panginoon
ay kinuha sa kanilang mga hukay;
na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, “Sa kanyang mga lilim
ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa.”
21Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom,
na naninirahan sa lupain ng Uz.
Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo;
ikaw ay malalasing at maghuhubad.
22Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion,
hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag.
Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan,
ilalantad niya ang iyong mga kasalanan.

Kasalukuyang Napili:

MGA PANAGHOY 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in