Dumating ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’
At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]
Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.
Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”
Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?
Hindi pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
O iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”
Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.
Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
At sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
Sumagot si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”