At nagsilapit ang mga Fariseo at mga Saduceo, na tinutukso siya na sa kaniya'y nagsisihiling na sila'y pagpakitaan ng isang tanda na mula sa langit.
Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, Sa kinahapunan, ay sinasabi ninyo, Bubuti ang panahon: sapagka't ang langit ay mapula.
At sa umaga, Ngayo'y uunos: sapagka't mapula at makulimlim ang langit. Kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit; datapuwa't hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon.
Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda, kundi ng tanda ni Jonas. At sila'y iniwan niya, at yumaon.
At nagsidating ang mga alagad sa kabilang ibayo at nangakalimot na mangagdala ng tinapay.
At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayo'y mangagingat at magsipangilag sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.
At sila'y nangagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nagsasabi, Hindi tayo nangakapagbaon ng tinapay.
At nang matalastas ni Jesus ay sinabi, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya, bakit kayo'y nangagbubulaybulay sa inyong sarili, sapagka't wala kayong tinapay?
Hindi pa baga ninyo natatalastas, at hindi ninyo naaalaala ang limang tinapay sa limang libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?
Ni yaong pitong tinapay sa apat na libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?
Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.
Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.
Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?
At kanilang sinabi, Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta.
Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako?
At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, Ang anak ng Dios na buhay.
At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.
At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.
Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.
Nang magkagayo'y ipinagbilin niya sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo.
Mula ng panahong yao'y nagpasimulang ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya'y patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.
At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya'y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.
Datapuwa't lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.
Nang magkagayo'y sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.
Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?
Sapagka't ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo'y bibigyan ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.