Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin.” Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto. Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.” Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas. Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias: “Isang tinig ang narinig sa Rama, pananangis at malakas na panaghoy, tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak; ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila.” Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol.” Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel. Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea. Siya ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na “siya ay tatawaging Nazareno.”
Basahin MATEO 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MATEO 2:13-23
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas