Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.” Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang isang tinig, tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy. Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.” Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Iuwi mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” Kaya't bumangon nga si Jose at iniuwi sa Israel ang kanyang mag-ina. Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, at doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”
Basahin Mateo 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 2:13-23
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas