Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 23:1-22

MATEO 23:1-22 ABTAG01

Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila. Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin, at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit. Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’ Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo. Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas. “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. [Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.] Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’ Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto? At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’ Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito. At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito. Ang gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.