At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.
“Kaya, kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),
ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok.
Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay.
At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal.
Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!
Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath.
Sapagkat sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon.
At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.
Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.
Kaya, kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan.
Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
Kung saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.
“At pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.
Pagkatapos ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
“Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.