Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang ang lahat ng bansa ay makarinig nito. At kung maganap na ito, darating na ang katapusan.” “Unawain ninyo itong mabuti: kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel, ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, ang nasa bubungan ay huwag nang mag-abala pang kumuha ng kahit ano sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa panahong iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. Sa katunayan, kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang ng Diyos, paiikliin ang panahong iyon. “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may lilitaw na mga huwad na mesiyas at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw ang marami kahit na ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito upang kayo'y makapaghanda. “Kaya't kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran. “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” “Pagkatapos ng kapighatian sa mga panahong iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng bansa. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.” “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
Basahin Mateo 24
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Mateo 24:14-32
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas