Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan. At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak. At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay. Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya. Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.” Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad. At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.” Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari. Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal, na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’ Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.” At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.
Basahin MATEO 28
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MATEO 28:1-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas