Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 28:1-15

Mateo 28:1-15 RTPV05

Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. Biglang lumindol nang malakas. Bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay. Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.” At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!” Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lunsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang balitang ipinagsasabi sa mga Judio.