Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 15:38-47

MARCOS 15:38-47 ABTAG01

Ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.” At mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome; na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem. Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya. Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. At bumili si Jose ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan. Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay.