MGA KAWIKAAN 16
16
Mga Kawikaan tungkol sa Buhay at Pag-uugali
1Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula,
ngunit mula sa Panginoon ang sagot ng dila.
2Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata,
ngunit tinitimbang ng Panginoon ang diwa.
3Italaga mo sa Panginoon ang iyong mga gawa,
at magiging matatag ang iyong mga panukala.
4Ginawa ng Panginoon ang bawat bagay ukol sa layunin nito,
pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo.
5Bawat palalo sa puso, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
iyong asahan, hindi siya maaaring hindi parusahan.
6Sa pamamagitan ng katapatan at katotohanan ay napagbabayaran ang kalikuan,
at sa pamamagitan ng takot sa Panginoon, ay umiiwas ang tao sa kasamaan.
7Kapag ang mga lakad ng tao sa Panginoon ay kasiya-siya,
kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya.
8Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran,
kaysa malalaking kita na walang katarungan.
9Ang puso ng tao ang nagpapanukala ng kanyang daan,
ngunit ang Panginoon ang nangangasiwa ng kanyang mga hakbang.
10Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari;
ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali.
11Sa Panginoon nauukol ang sukatan at timbangang tama;
lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa.
12Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan,
sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran.
13Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran,
at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran.
14Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan,
ngunit papayapain ito ng taong may karunungan.
15Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay,
at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan.
16Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan,
mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan.
17Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan,
siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay.
18Ang pagmamataas ay nauuna sa kapahamakan,
at ang palalong diwa ay nauuna sa pagkabuwal.
19Mas mabuti ang maging mapagpakumbabang-loob na kasama ng mahihirap,
kaysa makihati ng samsam na kasama ng mapagmataas.
20Siyang nakikinig sa salita ay uunlad,
at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad.
21Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa,
at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita.
22Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay,
ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal.
23Ang isipan ng matalino ay nagbibigay-bisa sa kanyang pananalita,
at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat.
24Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan,
katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan.
25Mayroong#Kaw. 14:12 daan na tila matuwid sa isang tao,
ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
26Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya,
siya'y inuudyukan ng bibig niya.
27Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama,
parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita.
28Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan,
at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan.
29Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa,
at kanyang inaakay siya sa daang masama.
30Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay,
siyang kumakagat-labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan.
31Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian,
iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran.
32Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan,
at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan.
33Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan,
ngunit mula sa Panginoon ang buong kapasiyahan.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 16: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001