MGA KAWIKAAN 15
15
1Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay,
ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang.
2Ang dila ng marunong ay nagbabadya ng kaalaman;
ngunit ang bibig ng mga hangal ay nagbubuhos ng kahangalan.
3Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawat panig,
sa masama at sa mabuti ay nagmamasid.
4Punungkahoy ng buhay ang dilang mahinahon,
ngunit nakakasira ng espiritu ang kalikuan niyon.
5Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama,
ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan.
6Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan,
ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating na kaguluhan.
7Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman,
ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal.
8Ang handog ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit ang dalangin ng matuwid ay kanyang kaluguran.
9Ang lakad ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10May mabigat na disiplina sa taong lumilihis sa daan,
at siyang namumuhi sa saway ay mamamatay.
11Ang Sheol at ang Abadon#15:11 o Pagkawasak. ay nakalantad sa Panginoon;
lalong higit pa ang puso ng mga tao!
12Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto,
siya'y hindi magtutungo sa matalino.
13Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha,
ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman,
ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan.
15Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan,
ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan.
16Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa Panginoon,
kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon.
17Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig,
kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip.
18Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo,
ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo.
19Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag,
ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag.
20Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama,
ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina.
21Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait;
ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid.
22Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay,
ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay.
23Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan,
at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam!
24Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas,
upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas.
25Ginigiba ng Panginoon ang bahay ng palalo,
ngunit pinananatili niya ang hangganan ng babaing balo.
26Kasuklamsuklam sa Panginoon ang masasamang panukala,
ngunit nakalulugod sa kanya ang malilinis na salita.
27Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan,
ngunit siyang namumuhi sa mga suhol ay mabubuhay.
28Ang puso ng matuwid ay nag-iisip ng isasagot,
ngunit ang bibig ng masama ay masasama ang ibinubuhos.
29Ang Panginoon ay malayo sa masama,
ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid.
30Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya,
at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla.#15:30 Sa Hebreo ay nagpapataba.
31Ang taingang nakikinig sa mabuting payo,
ay tatahang kasama ng matatalino.
32Siyang tumatanggi sa turo ay humahamak sa sariling kaluluwa,
ngunit siyang nakikinig sa pangaral ay nagtatamo ng unawa.
33Ang takot sa Panginoon ay pagtuturo sa karunungan,
at ang pagpapakumbaba ay nauuna sa karangalan.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 15: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001