MGA KAWIKAAN 4
4
Ang Pakinabang ng Karunungan
1Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama,
at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa;
2sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan:
huwag ninyong talikuran ang aking aral.
3Noong ako'y isang anak sa aking ama,
bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina,
4tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika,
“Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita.
Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka.
5Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan,
huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay.
6Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan;
ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan.
7Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
8Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
9Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”
10Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
11Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
12Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
13Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.
14Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
15Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
talikuran mo, at iyong lampasan.
16Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
17Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
at umiinom ng alak ng karahasan.
18Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
19Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.
20Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
21Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
22Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
at kagalingan sa kanilang buong katawan.
23Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24Ang madayang bibig ay iyong alisin,
ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
25Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
26Landas#Heb. 12:13 ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
27Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 4: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001