MGA KAWIKAAN 5
5
Babala Laban sa Pakikiapid
1Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan;
2upang mabuting pagpapasiya ay iyong maingatan,
at upang ang iyong mga labi ay makapagbantay ng kaalaman.
3Sapagkat ang mga labi ng mapangalunyang babae sa pulot ay tumatagas,
at ang kanyang pananalita kaysa langis ay madulas;
4ngunit mapait na gaya ng halamang lason sa bandang wakas,
tabak na may dalawang talim ang siyang kasintalas.
5Ang kanyang mga paa sa kamatayan ay palusong;
ang kanyang mga hakbang ay nakahawak sa Sheol.
6Hindi siya tumatahak sa landas ng buhay;
ang kanyang mga lakad ay di-panatag, at hindi niya ito nalalaman.
7Ngayon nga, mga anak, sa akin kayo'y makinig,
at huwag kayong lumayo sa mga salita ng aking bibig.
8Ilayo mo sa kanya ang iyong daan,
at huwag kang lumapit sa pintuan ng kanyang bahay;
9baka ibigay mo ang iyong karangalan sa iba,
at ang iyong mga taon sa mga walang awa.
10Baka mga dayuhan ang magtamasa sa iyong kayamanan,
at mapunta sa bahay ng di-kilala ang iyong pinagpaguran.
11At ikaw ay manangis sa katapusan ng iyong buhay,
kapag naubos ang iyong laman at katawan.
12At iyong sasabihin, “Tunay na ang pangaral ay aking kinamuhian,
at hinamak ng aking puso ang pagsaway!
13Hindi ko sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo,
o ikiniling ko man ang aking pandinig sa aking mga guro.
14Ako'y nasa bingit ng lubos na kapahamakan,
sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.”
15Sa iyong sariling tipunan ng tubig ikaw ay uminom,
sa umaagos na tubig mula sa iyong sariling balon.
16Dapat bang kumalat ang iyong mga bukal,
at ang mga agos ng tubig sa mga lansangan?
17Hayaan mong maging para sa sarili mo lamang,
at hindi para sa mga kasama mong mga dayuhan.
18Pagpalain ang iyong bukal;
at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.
19Gaya ng magandang usa at mahinhing babaing usa,
bigyan kang kasiyahan ng dibdib niya sa tuwina,
at sa kanyang pag-ibig ay laging malugod ka.
20Sapagkat, bakit anak ko, sa mapangalunyang babae ay malulugod ka,
at yayakap sa dibdib ng babaing banyaga?
21Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon,
at kanyang sinisiyasat ang lahat niyang mga landas.
22Ang masama'y nabibitag sa sarili niyang kasamaan,
at siya'y nahuhuli sa mga tali ng kanyang kasalanan.
23Siya'y mamamatay sa kakulangan ng disiplina,
at dahil sa kanyang kahangalan ay naliligaw siya.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001