Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA KAWIKAAN 6

6
Mga Dagdag na Babala
1Anak ko, kung naging tagapanagot ka sa iyong kapwa,
kung itinali mo ang iyong sarili sa isang banyaga,
2ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong mga labi,
at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
3Gawin mo ito ngayon, anak ko, at iligtas mo ang iyong sarili,
yamang ikaw ay nahulog sa kapangyarihan ng iyong kapwa:
humayo ka, magpakababa ka, at makiusap sa iyong kapwa.
4Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata,
o paidlipin man ang mga talukap ng iyong mata.
5Iligtas mo ang iyong sarili na parang usa sa kamay ng mangangaso,
at parang ibon mula sa kamay ng mambibitag.
6Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad;
masdan mo ang kanyang mga lakad at ika'y magpakapantas,
7na bagaman walang puno,
tagapamahala, o pinuno,
8naghahanda ng kanyang pagkain sa tag-araw,
at tinitipon ang kanyang pagkain sa anihan.
9Hanggang kailan ka hihiga riyan, O tamad?
Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
10Kaunting#Kaw. 24:33, 34 pagtulog, kaunting pag-idlip,
kaunting paghalukipkip ng mga kamay upang magpahingalay,
11sa gayo'y ang karukhaan ay darating sa iyo na parang magnanakaw,
at ang kasalatan na parang lalaking may sandata.
12Ang taong walang kabuluhan, ang taong masama,
ay gumagala na may masamang bunganga.
13Kumikindat ang kanyang mga mata, pinagsasalita ang kanyang mga paa,
na itinuturo ang daliri niya,
14kumakatha ng masama sa kanyang likong puso,
patuloy na naghahasik ng pagtatalo.
15Kaya't biglang darating sa kanya ang kapahamakan,
sa isang iglap ay madudurog siya, at walang kagamutan.
16Ang Panginoon ay namumuhi sa anim na bagay,
oo, pito ang sa kanya'y kasuklamsuklam:
17Mga palalong mata, sinungaling na dila,
at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala,
18pusong kumakatha ng masasamang plano,
mga paang sa kasamaan ay nagmamadali sa pagtakbo;
19bulaang saksi na nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang naghahasik sa magkakapatid ng kaguluhan.
Babala Laban sa Pakikiapid
20Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama,
at huwag mong pabayaan ang turo ng iyong ina.
21Sa iyong puso'y ikintal mong lagi,
sa iyong leeg ay iyong itali.
22Kapag ikaw ay lumalakad, sa iyo'y papatnubay,
kapag ikaw ay natutulog, sa iyo'y magbabantay,
at kapag ikaw ay gumigising, ikaw ay kanilang kakausapin.
23Sapagkat ang utos ay tanglaw, at ang aral ay ilaw,
at ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay;
24upang mula sa masamang babae ay maingatan ka,
mula sa tabil ng dila ng mapangalunya.
25Huwag mong nasain sa iyong puso ang kanyang ganda,
at huwag mong hayaang mahuli ka niya ng kanyang mga pilik-mata.
26Sapagkat ang masamang babae#6:26 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. ay maaaring upahan ng isang pirasong tinapay,
ngunit hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
27Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan,
at hindi masusunog ang kanyang kasuotan?
28Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao,
at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso?
29Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa;
sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa.
30Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kapag siya'y nagnanakaw,
upang kapag siya'y gutom siya'y masiyahan.
31Gayunma'y kung siya'y mahuli, makapito niyang pagbabayaran;
ibibigay niya lahat ang laman ng kanyang bahay.
32Walang sariling bait siyang nangangalunya,
ang gumagawa niyon ay sarili ang sinisira.
33Mga sugat at kasiraang-puri ang kanyang tatamuhin,
at ang kanyang kahihiyan ay hindi na papawiin.
34Sapagkat ang panibugho ay nagpapabagsik sa lalaki,
at hindi siya nagpapatawad sa araw ng paghihiganti.
35Hindi niya tatanggapin ang anumang bayad,
ni sa maraming suhol siya'y mapaglulubag.

Kasalukuyang Napili:

MGA KAWIKAAN 6: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in