MGA KAWIKAAN 7
7
Mga Pang-akit ng Pangangalunya
1Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan,
at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan.
2Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata.
3Sa iyong mga daliri ay iyong itali,
sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo.
4Sabihin mo sa karunungan, “Ikaw ay aking kapatid na babae,”
at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan;
5upang maingatan ka mula sa babaing masama,
sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita.
6Sapagkat sa bintana ng aking bahay
ay tumingin ako sa aking dungawan,
7at ako'y tumingin sa mga walang muwang,
ako'y nagmasid sa mga kabataan,
may isang kabataang walang katinuan,
8na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan,
at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay,
9sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan,
sa oras ng gabi at kadiliman.
10At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae,
na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso.
11Siya'y matigas ang ulo at maingay,
ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay;
12ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan,
at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan.
13Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki#7:13 Sa Hebreo ay siya. at hinahagkan siya,
at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya,
14“Kailangan kong mag-alay ng mga handog-pangkapayapaan,
sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan.
15Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita.
16Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko,
na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto.
17At aking pinabanguhan ang aking kama,
ng mira, aloe, at kanela.
18Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan;
magpakasaya tayo sa paglalambingan.
19Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay,
sa malayong lugar siya'y naglakbay;
20siya'y nagdala ng isang supot ng salapi;
sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi.”
21Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya,
sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila.
22Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya,#7:22 o sa babae.
gaya ng toro na sa katayan pupunta,
o gaya ng isang nasisilong usa,#7:22 Di-tiyak ang kahulugan sa Hebreo.
23hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos,
gaya ng ibong sa bitag ay humahangos;
na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos.
24Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako,
sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad,
huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26Sapagkat napakarami na niyang itinumba,
oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay,
pababa sa mga silid ng kamatayan.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 7: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001