MGA TAGA ROMA 6
6
Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy Dahil kay Cristo
1Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?
2Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?
3O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?
4Kaya't#Co. 2:12 tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.
5Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.
6Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;
7sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.
8Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.
9Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.
10Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.
11Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.
12Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
13At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.
14Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.
Mga Alipin ng Katuwiran
15Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.
16Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?
17Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.
18At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.
19Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.
20Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.
21Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.
22Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.
23Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Kasalukuyang Napili:
MGA TAGA ROMA 6: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001