MGA TAGA ROMA 7
7
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
1O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa?
2Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki.
3Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki.
4Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos.
5Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan.
6Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7Ano#Exo. 20:17; Deut. 5:21 nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, “Huwag kang mag-iimbot.”
8Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
9Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan,
10at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan.
11Sapagkat#Gen. 3:13 ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
12Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
13Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan.
Ang Pagnanais ng Mabuti
14Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
15Sapagkat#Ga. 5:17 ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko.
16Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan.
17Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
18Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa.
19Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa.
20Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin.
21Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit.
22Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao.
23Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan.
24Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan?
25Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan.
Kasalukuyang Napili:
MGA TAGA ROMA 7: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001