Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 8

8
Pamumuhay ayon sa Espiritu
1Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.
2Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin#8:2 Sa ibang mga kasulatan ay sa akin at ang iba'y sa iyo. mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,
4upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
6Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;
8at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.
9Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.
10At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.
11Ngunit#1 Cor. 3:16 kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo#8:11 Sa ibang mga kasulatan ay Cristo Jesus. mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
12Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman;
13sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.
14Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos.
15Sapagkat#Ga. 4:5-7 #Mc. 14:36; Ga. 4:6 hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba!#8:15 Salitang Aramaico na ang kahulugan ay Ama. Ama!”
16Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos.
17At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya.
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
19Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos.
20Sapagkat#Gen. 3:17-19 ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa
21na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos.
22Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon.
23At#2 Cor. 5:2-4 hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan.
24Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita?
25Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis.
26At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan#8:26 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong para sa atin. na may mga daing na hindi maipahayag;
27ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
28At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.
29Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid;
30at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
32Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?
33Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.
34Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.
35Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
36Gaya#Awit 44:22 ng nasusulat,
“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”
37Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.
38Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,
39ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Kasalukuyang Napili:

MGA TAGA ROMA 8: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in