Nangyari nga, nang mabalitaan ni Adoni-sedec na hari sa Jerusalem na kung paanong nasakop ni Josue ang Hari at nagibang lubos (na kung paanong kaniyang ginawa sa Jerico at sa hari niyaon, gayon ang kaniyang ginawa sa Hai at sa hari niyaon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga Gabaon, at nangasa gitna nila;
Ay natakot silang mainam, sapagka't ang Gabaon ay malaking bayan na gaya ng isa sa mga bayan ng hari, at sapagka't lalong malaki kay sa Hai, at ang lahat na lalake roon ay mga makapangyarihan.
Kaya't si Adoni-sedec na hari sa Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari sa Hebron, at kay Phiream na hari sa Jarmuth, at kay Japhia, na hari sa Lachis, at kay Debir na hari sa Eglon na ipinasasabi,
Sampahin ninyo ako at inyong tulungan ako, at saktan natin ang Gabaon: sapagka't nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.
Kaya't ang limang hari ng mga Amorrheo, ang hari sa Jerusalem, ang hari sa Hebron, ang hari sa Jarmuth, ang hari sa Lachis, ang hari sa Eglon, ay nagpipisan at sumampa, sila at ang lahat nilang hukbo, at humantong laban sa Gabaon, at nakipagdigma laban doon.
At ang mga tao sa Gabaon ay nagsugo kay Josue sa kampamento sa Gilgal, na sinasabi, Huwag mong papanlambutin ang iyong kamay sa iyong mga lingkod; sampahin mo kaming madali, at iligtas mo kami, at tulungan mo kami: sapagka't ang lahat ng mga hari ng mga Amorrheo na nangananahan sa lupaing maburol ay nagpipisan laban sa amin.
Sa gayo'y sumampa si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pangdigma na kasama niya, at ang lahat ng mga makapangyarihang lalake na matatapang.
At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag mo silang katakutan: sapagka't aking ibinigay sila sa iyong mga kamay; walang lalake roon sa kanila na tatayo sa harap mo.
Si Josue nga ay naparoong bigla sa kanila; siya'y sumampa mula sa Gilgal buong gabi.
At nilito sila ng Panginoon sa harap ng Israel, at kaniyang pinatay sila ng malaking pagpatay sa Gabaon, at hinabol niya sila sa daan na sampahan sa Beth-horon, at sinaktan niya sila hanggang sa Azeca, at sa Maceda.
At nangyari, na habang tumatakas sa harap ng Israel samantalang sila'y nasa babaan sa Beth-horon, na binagsakan sila ng Panginoon sa Azeca ng mga malaking bato na mula sa langit, at sila'y namatay: sila'y higit na namatayan sa pamamagitan ng mga batong granizo kay sa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amorrheo sa harap ng mga anak ni Israel; at kaniyang sinabi sa paningin ng Israel,
Araw, tumigil ka sa Gabaon;
At ikaw, Buwan, sa libis ng
Ajalon.
At ang araw ay tumigil, at ang
buwan ay huminto,
Hanggang sa ang bansa ay nakapanghiganti sa kaniyang mga kaaway.
Hindi ba ito nakasulat sa aklat ni Jasher? At ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyaon bago nangyari yaon o pagkatapos niyaon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng tao: sapagka't ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.