Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;
sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.
Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,
“Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”
Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.
At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”
Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.
Sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”
Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.
Nilito sila ng PANGINOON sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.
Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng PANGINOON sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa PANGINOON nang araw na ibinigay ng PANGINOON ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,
“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
At ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.
Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang PANGINOON ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng PANGINOON ang Israel.